im
im
im...
Okay tama na, kinanta mo na no? Ano lang kasi... hindi tungkol ang post kong ito sa mga nakasanayang laro natin noong bata tayo. Bagkos tungkol ito sa mga bagay-bagay tungkol sa atin noong tayo ay mga bata pa. Kung may ibang aapila at sasabihing bata pa naman ang sumulat nito hanggang ngayon, edi okay, noong tayo ay musmos na lamang.
Kanina kasi ang pamilya ko, mga kaibigan at ako ay nanggaling sa Yamaha fair dito sa Japan. Madaming mga pakulo ang mga tao, sa bawat boot may iba't-ibang mga laro at samut saring uri ng mga pagkain, bukod pa dyan, may anime show at mga inflatables. Hindi ako gaanong nag-enjoy hindi dahil ayoko na sa mga bagay na yun, siguro dahil sa lahat nang pinilahan kong boots, ako ang pinakamatanda para sa kategorya ng mga batang may edad apat hanggang labindalawang taong gulang. Naupo ako sa isang tabi at kumain na lamang nang biglang akong tawagin ng aking ina para sundan ko yung kasama naming bata na kasalukuyan nang nagtatatalon sa inflatables. Tumayo ako at tinahak ko ang direksyon papunta sa kinaroroonan ng inflatables.
Nagkaroon ako ng pagkakataon na makasalamuha ng malapitan ang madaming bata sa iisang pagkakataon. Tinitigan ako ng isang batang babae at nginitian, sa hindi malamang dahilan tila para bang huminto ang mabilis na paggalaw nang aking paligid hanggang sa... iyak ng isa pang batang babae ang nagbalik sakin sa realidad. Umiyak siya dahil nadaganan siya ng iba pang mga bata at syempre wala siyang pakialam kung tumulo ang sipon niya habang iniiyak ang sakit na dulot nang pagkakadagan sa kanya. Hindi naglaon tumigil na siya sa kanyang pag-iyak at muling nakipaglaro sa mismong mga bata na nagdulot ng sakit sa kanya ilang segundo lamang ang nakalipas.
Masyado akong tinamaan sa eksenang iyon dahil sa sobrang pagkamangha habang napagtanto ko kung gaano kabilis maghilom ang sakit na naramdaman ng isang bata kalakip ang mabilis ding pagpapatawad sa kapwa bata na nakadagan sa kanya. Tanging ang tumulong sipon na lamang ang naiwang bakas ng sakit na kanyang nadama ilang sandali ang nagdaan. Napaisip ako kung bakit hindi lamang tumulo na sipon ang naiiwang bakas kapag nasasaktan ang mga taong hindi na musmos kalakip ang hirap para magpatawad.
Nakakatuwa ang mga musmos... masyadong simple ang kanilang mga buhay, wala masyadong komplikasyon: tanging ang pagtalun-talon sa inflatables ang kanilang pinoproblema, hindi ang halo-halong emosyon na nadarama ng isang estudyante na tutungtong na sa kolehiyo sa darating na pasukan; ang pag-ubos sa ice cream na binili nila daddy at mommy, hindi ang nakababaliw na pag-iisip ng isang magulang kung saan kukuha ng pagkaing ihahapag sa kanilang mesa kinabukasan; ang pagpupunas ng sipon na tumulo matapos umiyak, hindi ang pagtatakip ng isang teenager ng sandamukal sa concealer sa eyebags na lumobo dulot ng dramang I cried my self to sleep dahil heart broken siya; ang muling pakikipaglaro sa mga kapwa batang nagpaiyak sa kanya, hindi ang pagdadalawang-isip ng isang taong sinaktan sa pagbibigay ng isang lantay o tunay na ngiti sa taong nanakit sa kanya. Kung pwede lang sanang maging musmos habang buhay...
Sa ayaw at sa gusto natin kailangan nating suungin ang mundo nang nakalulunod at mapangsuring tingin ng mga tao; ang nag-aanghangang mga salita na ibinabatong parang dinamita na kayang sumira ng buhay; ang paglunok sa araw-araw na kawalang-katarungan; ang walang hanggang pagbubuhat sa isang papalubog na bayan; ang maling batayan ng ganda ng isang nilalang; ang maling paggamit sa salitang pag-ibig; ang kagahamanang mahirap ikubli; ang mga kasalanang nagkalat sa apat na sulok ng kahon na ating tinitirhan na kung tawagin nila ay ang "tunay na mundo..."