CLICK HERE FOR THOUSANDS OF FREE BLOGGER TEMPLATES »

Wednesday, May 14, 2008

Ang Hindi Makulay Mong mga Pakpak


Sa isang hardin sa malayong lugar naglalagi ang napakaraming uri ng bulaklak. May dilaw, may pula, may puti, may bughaw at marami pang iba. May mga bagong usbong, meron din namang mga palanta na. Nababalot ng katahimikan ang lugar, tanging huni lamang ng mga ibon ang maaninag ng iyong mga pandinig. Hindi naging madali ang pamumuhay para sa mga bulaklak, lalo pa kung halos ubusin ng napakalakas na hangin ang kanilang pinakaiingat-ingatang mga talulot. Mas malala kapag bumabagyo dahil hindi lamang mga talulot ang maaring mawala sa kanila kundi ang mismong mga buhay nila bugso ng tuluyang pagkalanta.

Minsan ka ng nagbalak pumunta sa lugar na iyon ngunit umiral ang pagdadalawang isip mo at napagpasyahang huwag na lamang tumuloy. Hanggang dumating ang isang mayuming araw na natupad na ang matagal mo ng ninanais-nais na pagpunta sa hardin. Higit pa sa dosena ng mga bulaklak ang sumalubong sa iyong mga matatalas na mata, hindi ka magkandaugaga sa kung sino ba ang dapat mong unahing pagtuonan ng pansin at titigan. Hanggang sa isang bulaklak ang pumukaw hindi lamang sa iyong paningin kundi sa iyong damdamin. Nakita mo ang iyong napusuan na maligayang nakikipaglaro sa kanyang mga kaibigang paru-paro. Lalo kang natutuwa sa tuwing nakikita mo ang mayuyuming ngiti ng iyong iniibig na bulaklak, lalong napapalapit ang iyong loob, lalo mong ninanais na paulit-ulit na bumalik sa mismong lugar na kinaroroonan mo upang muli at palaging masilayan ang iyong napusuang bulaklak hindi alintana kung ito'y bagong usbong o kung palanta na.

Ilang araw ang nagdaan hanggang sa ito'y maituturing ng mga linggong lumipas patuloy padin ang iyong pagsipat sa iyong natatanging bulaklak. Hanggang sa isang araw, nang umalis ang kanyang mga kaibigang paru-paro, nagpasya kang lumapit sa kanya. Bitbit ka ng iyong mga pakpak na hindi tulad sa mga paru-paro ay makulay, nagpakilala ka at marahan din namang nagpakilala ang bulaklak. Doon mo ngayon nalaman, na siya pala ay isang bagong usbong na bulaklak pa lamang. Ngunit patuloy mo siyang kinausap kasabay ng pagsasantabi sa isang katotohanang kailanman ay alam mong hindi mo maikukubli. Maayos kang pinakitunguhan ng bulaklak, hindi alintana ang inyong magkaibang kaanyuan. Lalo kang nawili na mapalapit sa kanya upang ibalik din niya sayo ang damdamin mong matagal mo nang itinatago.

Lumipas ang mga buwan at tila para bang sumasang-ayon ang lahat sa plano mo, unti-unti ka na ring itinatangi ng itinuturing mo na iyong bulaklak. Nahulog na yata siya sa bitag mo hindi man kasing kulay ng mga paru-paro ang pakpak mo. Naging maligaya kayo, dahil dumating ang isang panahon, na tunay na itinangi ka na ng bulaklak. Wala ng ibang kagaya mo ang hinayaan niyang makipag-usap o makipagkilala sa kanya na may katulad ng iyong dating motibo. Ikaw lang at wala ng iba ang itinangi niya. Bihira na ang naging pagdalaw ng mga kaibigang paru-paro dahil sayo, naging masakit ito para sa bulaklak ngunit tahimik niya na lamang itong kinimkim hindi dahil sayo kundi para sayo.

Dumating ang isang panahon kung saan tila para bang iba ang panagana ng pagsikat ni haring araw. Kasabay ng naiibang kondisyon na ito ang kagaya ng kinagawian, dinalaw mo ang iyong bulaklak. Biglang may dumating na isang tutubi, na nagpakilala muna sa iyong bulaklak, bago ka niya pinagtuunan ng pansin. Dahil tila para bang wala naman masamang tinapay sa iyong bulaklak, pinakitunguhan niya ito sa maayos na pamamaraan. Naging interesado ka sa tutubing iyong nakilala, kung kaya't nang umalis ka, hinanap mo siya at tinanong kung pwede ba kayong magkita, sa isang lugar na malayo sa bulaklak. Mariin namang pumayag ang tutubi. Nagtagpo kayo gaya ng napakagkasunduan at muling nagtagpo, muli at muli pa ng lingid sa kaalaman nung inyong pinagtataguan.

Nakita kayo ng ibang mga bulaklak at kaibigang paru-paro ni bulaklak, sila ang nagsabi kay bulaklak tungkol sa inyong mga palihim na pagtatagpo. Kasabay ng mga paratang na iyon ang pagdating ng isang paru-paro, na hindi kaibigan ni bulaklak, o kaanu-ano man - hindi sila magkakilala. Tila para bang sila ay pinaglaruan ng pagkakataon at nagkasabay na lingunin ang bawat isa... nagtama ang mga paningin nila. Pinilit nilang parehong magsalita ngunit naging madamot sa kanilang dalawa ang mundo ng mga letra sa panahong iyon, pareho nilang inalis ang tingin sa bawat isa hanggang sa lumisan ang paru-paro ng hindi man lamang nila naitanong ang pangalan ng bawat isa. Naramdaman ng bulaklak ang pagnanais na muling makita ang paru-paro na naging realidad naman. At sa muli nilang pagkikita, tinanong ng bulaklak kung maari ba silang mag-usap. "Oo," sagot ni paru-paro. Hanggang sa siya na ang hinahanap ng bulaklak at hindi na ikaw. Oo. Hindi na nga yata ikaw.

Tinanong ka ni bulaklak tungkol sa mga paratang sa iyo. Mariin mo namang pinasinungalingan ang lahat ng mga iyon. Makalipas ang ilang panahon, ipinagtapat ni bulaklak ang kanyang nararamdaman, na isang paru-paro ang unti-unti nang pumupukaw sa kanyang damdamin. Napoot ka kay bulaklak, hindi mo man lang ikinalugod ang pagiging totoo niya sa iyo, ang tapang na kanyang tinipon upang masabi sa iyo ang bagay na maari namang hindi na niya sinabi dahil maaring pagtakpan ng iyong mga pabula.

Nagpasya ang bulaklak na ibaling ang kanyang atensyon sa paru-paro, naging matalik silang magkaibigan, at unti-unting bumalik ang iba pang kaibigan ng bulaklak, na sa buong pag-aakala niya ay hindi na mangyayari pa. Naging mas maligaya ang bulaklak, kaya na rin niyang makipagsabayan ng lipad sa mga itinatangi niyang mga paru-paro kung kalayaan lang itinatampok. Naging maayos ang lahat tulad ng kanyang mga talulot na naayos matapos ang isang matinding sigwa na dumaan sa kanya. Matapos ang lahat ng nangyari, hindi na basta bastang masasali-salimuot ang kanyang mga talulot dahil pinatibay ang lahat ng ito ng nagdaang sigalot. Hindi malamya ang mga bulaklak na bagong sibol, kaya din nilang maging kasing tapang kagaya ng mga matagal nang sumibol o kahit ng mga palanta na.


Salamat sa mga paru-paro...



Paalam sa'yo bubuyog...

2 Scribbles to senseful (comments):

Unknown said...

bie...fave ko to sa lahat ng sinulat mo. hehehe. ΓΌ

Mamie said...

Thank you sa comment bie, ikaw ang kauna-unahan. : )